Bahagyang nagbukas ang mga paliparan sa United Arab Emirates (UAE), na magbibigay-daan sa mahigit 20,000 biyahero, kabilang ang mga Pilipino na maituloy ang kanilang pag-alis matapos ang pansamantalang pagsasara ng airspace.
Ayon sa General Civil Aviation Authority (GCAA), sinimulan na ang “exceptional flight operations,” ngunit pinayuhan ang mga pasahero na huwag pumunta sa airport hangga’t hindi kinokontak ng kanilang airline upang maiwasan ang aberya.
Sinabi ni Consul General Ambrosio Brian Enciso III, head ng Philippine mission in Dubai and the Northern Emirates na “cautiously optimistic” ang Philippine Consulate sa Dubai sa pagbabalik ng ilang international flights mula sa Dubai International Airport, ngunit patuloy pa ring mino-monitor ang mabilis na pagbabago ng sitwasyon dahil sa tensyon sa pagitan ng US-Israel at Iran.
Sa mahigit 1,000 Pilipinong humiling ng repatriation, 586 ay mula sa Dubai.
Samantala, inanunsyo ng isang airline company sa Pilipinas ang kanselasyon ng ilang flights papunta at mula Doha, Riyadh at Dubai mula Marso 3 hanggang 5, habang maaaring magpa-rebook o magpa-refund ang mga apektadong pasahero.
Ang pagbubukas ng UAE airspace ay kasunod ng pansamantalang pagsasara nito noong Marso 1 dahil sa mga pag-atake ng Iran, at nagsimulang muli ang operasyon nitong Marso 2 ng gabi.















