Sinabi ni U.S. President Donald Trump na pumayag umano ang Iran na hindi na kailanman isasara ang Strait of Hormuz. Ito’y matapos i-anunsyo ng Iran ang pagbubukas ng Strait para sa mga commercial vessels kasunod ng ceasefire sa Lebanon.
Sa isang post, sinabi ni Trump na “It will no longer be used as a weapon against the World!” ang naturang daanan. Giit din niya na ang kasunduan ay hiwalay sa sitwasyon sa Lebanon.
Nagagalak din ng Amerika sa pag-usad ng negosasyon sa pagitan ng U.S. at Iran, at tinawag itong “great and brilliant day for the world.”
Nagpasalamat din siya sa Pakistan sa papel nito sa mediation, at pinuri ang mga opisyal nito na tumulong sa usapan.
Gayunpaman, sa kabila ng pagbubukas muli ng Strait of Hormuz, sinabi ni Trump na mananatili ang U.S. blockade sa Iran hanggang sa tuluyang matapos ang kasunduan ng dalawang panig.
Ayon sa kanya, mananatili ang blockade “until such time as our transaction with Iran is 100% complete,” at sinabi rin niyang malapit na itong matapos dahil halos napagkasunduan na ang karamihan ng punto ng Estados Unidos.
















