-- Advertisements --

Tinawag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na isang “trailblazer” na reporma ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill na inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, dahil ito ang unang seryosong hakbang upang malinaw na tukuyin at ipagbawal ang political dynasties halos 40 taon matapos itong iatas ng 1987 Constitution.

Ayon kay Adiong, chairman ng komite, layunin ng panukala na pigilan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iisang pamilya sa isang lugar.

Aniya, malaking hakbang ito dahil sa kasalukuyan ay wala pang malinaw na batas na tumutukoy sa political dynasty.

Inaprubahan ng komite ang bersyon ng panukala na nagbabawal sa magkakamag-anak hanggang sa second degress na sabay-sabay humahawak ng ilang elected position sa iisang lugar.

May ilang sektor na pumupuna dahil nais nilang gawing fourth degree ang saklaw ng pagbabawal.

Ipinaliwanag ni Adiong na pinili ang second degree dahil ito ang sinusuportahan ng karamihan sa mga panukalang inihain sa Kamara at mas magiging praktikal sa pagpapatupad lalo na sa pagberipika ng relasyon ng mga kandidato ng Comelec.

Dagdag niya, bukas pa rin ang panukala sa mga pagbabago kapag tinalakay na ito plenary debates ng Kamara.

Binigyang-diin ni Adiong na ang pangunahing layunin ay maipatupad na sa wakas ang utos ng Konstitusyon laban sa political dynasties matapos ang halos apat na dekada.