-- Advertisements --

Tahasang sinabi U.S. President Donald Trump na ang susunod na supreme leader ng Iran ay kailangang munang aprubahan ng Estados Unidos, kung hindi ay hindi ito magtatagal.

‘Yan ang tugon ni Trump nang matanong sa isang panayam noong Linggo (araw sa Amerika) kung saan iginiit niya na mahalagang matiyak muna ng U.S. na hindi magkakaroon ng pagkakataon ang Iran na makabuo ng nuclear weapon sa hinaharap.

“He’s going to have to get approval from us. If he doesn’t get approval from us he’s not going to last long,” ani Trump.

Dagdag pa ng pangulo ng Amerika nais niyang maiwasan ang nakaraang kinahinatnan ng Iran matapos ang pambobomba ng U.S. sa tatlong nuclear facilities ng Iran noong Hunyo 22, 2025.

Nang tanungin kung papayag ba siyang aprubahan ang isang lider na may kaugnayan sa dating rehimen, sinabi ni Trump na maaari niyang gawin ito kung sa tingin niya ay magiging maayos na lider ang naturang kandidato.

Dagdag pa ni Trump na may plano umano ang Iran na kontrolin ang buong Middle East, bagay na aniya ay napigilan ng Amerika.

“They are a paper tiger… Their plan was to attack the entire Middle East,” pahayag niya.

Hindi rin isinasantabi ni Trump ang posibilidad na magpadala ang U.S. ng special forces upang kontrolin ang enriched uranium ng Iran. Ayon sa isang senior administration official, sapat na raw ang uranium ng Iran upang maging weapons-grade material sa loob ng 10-araw.

Pinaniniwalaang karamihan sa uranium ay nasa mga pasilidad na binomba sa ilalim ng Operation Midnight Hammer, kabilang ang mga nuclear site sa Natanz Nuclear Facility, Isfahan Nuclear Technology Center, at Fordow Fuel Enrichment Plant.

Hindi rin nagbigay ng tiyak na timeline ang pangulo kung kailan matatapos ang digmaan, bagaman sinabi niyang “ahead of schedule” ang operasyon ng U.S. sa parehong aspeto ng oras at lakas ng opensiba ng bansa.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng tensyon sa rehiyon, tinawag ni Trump ang sitwasyon na “a little glitch” lamang. Ipinagmalaki rin niya ang sinasabing malalaking pinsala na naidulot sa militar ng Iran, kabilang ang umano’y pagkasira ng kanilang navy, air force, at communication systems.