Binigyang-diin ang mahalagang papel ng intra-ASEAN tourism sa patuloy na pagbangon ng sektor ng turismo sa Southeast Asia.
Inihayag ni Satvinder Singh, Deputy Secretary General ng ASEAN Secretariat, ang turismo ay hindi lamang bumabawi mula sa mga nakaraang krisis kundi muling nagiging pangunahing haligi ng economic resilience at people-to-people connectivity sa rehiyon.
Ayon kay Singh, malaki ang naitutulong ng intra-ASEAN travel sa pagpapatatag ng industriya, lalo na sa gitna ng mga pandaigdigang hamon tulad ng pagbabago sa ekonomiya, pulitika, at klima.
Noong 2025, nakapagtala ang ASEAN ng 144 milyong international visitors, 13.4 porsiyentong mas mataas kaysa noong nakaraang taon, na may halos 48 milyon mula sa loob ng rehiyon.
Sa taong 2024 naman, aniya, nag-ambag ang turismo ng halos 400 bilyong dolyar sa ekonomiya ng ASEAN at lumikha ng tinatayang 45 milyong trabaho.
Gayunman, ayon kay Singh, hindi sapat ang simpleng pagbangon at dapat gamitin ng ASEAN ang momentum ng intra-ASEAN tourism para sa mas inklusibo at napapanatiling pag-unlad.
















