Pinaboran ng Malakanyang ang naging hakbang ni House Majority Leader Sandro Marcos na dumistansiya bilang chairman ng House Committee on Rules sa anumang talakayan, deliberasyon at proceedings sa impeachment complaint laban sa amang si Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang naging hakbang ni Representative Marcos ay tanda ng pagiging statesman.
Nagpapakita anya ito kung ano ang kanyang pagkatao at pagiging disente.
Nilinaw rin ng Palasyo na walang kinalaman ang Pangulo sa desisyong ito ng kanyang anak.
Sabi ni Castro, hindi nakikialam si Pang. Marcos sa anumang aksyon ni Cong. Marcos dahil batid nitong kailangang tumupad ng kanyang anak sa mandato.
At bilang lingkod-bayan, alam anya nito ang mga sinasabi ng batas at kung ano ang nararapat gawin.










