Dapat na isauli muna umano ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ang isang bilyong dolyar bago makipag-usap sa kaniya.
Ito ang naging tugon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nang matanong kung handa ang pamahalaan na makipag-dayalogo sa dating mambabatas.
Ito ay kasunod na rin ng “surrender feelers” o pagpapahiwatig umano ng dating mambabatas na sumuko at intensiyong makipag-usap sa mga awtoridad.
Bagamat ayon kay Sec. Remulla, ang posibilidad ng pakikipag-negosasyon kay Co ay nakadepende na sa Ombudsman para tumugon.
Subalit kung siya ang tatanungin, dapat na magsauli muna ng isang bilyong dolyar si Co bago sila mag-usap at saka bibigyan ng pagkakataon para sa plea bargain.
Saad ng DILG Chief na wala namang pinatay ang dating mambabatas kundi pera ang kaniyang kinuha, bagay na dapat na umano niyang isauli.
Matatandaan, una nang inihayag ng Palasyo na suportado nito ang posibleng dayalogo sa pagitan nina Co at ng Ombudsman kung ito ang magiging susi para mabunyag ang katotohanan sa anomliya sa flood control projects.
Sa ngayon, ayon kay Remulla itinuturing na bilang pugante si Co, na pinaniniwalaang nasa Portugal at may hawak na Portuguese passport maliban pa sa umano’y golden visa.
Samantala, sa kabila ng kawalan ng extradition treaty sa Portugal, sinabi ni Remulla na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibalik si Co sa Pilipinas.















