-- Advertisements --

Sisimulan na sa darating na Marso 17 ang pamamahagi ng P5,000 na fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers, habang isinusulong naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paggamit ng digital distribution upang tuluyang alisin ang mahahabang pila sa pagkuha ng ayuda.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, unang makatatanggap ng nasabing tulong pinansyal ang mga tricycle driver sa Metro Manila.

Kukunin ang pondo para rito mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kasabay nito, inihayag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza na pinag-aaralan na ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga Electronic Money Issuers (EMIs) upang gawing mas mabilis at maginhawa ang pamamahagi ng pondo.

Ang hakbang tungo sa digital na pamamaraan ay pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhing ligtas at mabilis na nakararating ang tulong ng gobyerno sa mga benepisyaryo.

Bilang paghahanda, pormal nang sumulat ang LTFRB sa mga Electronic Money Issuers na may akreditasyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang hingin ang mga dokumentong magpapatunay sa kanilang kapasidad at lehitimong operasyon.