-- Advertisements --

Tumigil na umano ang ilang mga driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa gitna ng matinding pagkalugi dahil sa malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Laban TNVS President Jun de Leon, maraming driver na ang nag-surrender sa ginagamit na sasakyan sa kanilang mga operator mula noong ipinatupad ang double-digit na price hike.

Inihalimbawa nito ang ilang operator na mayroong hanggang 50 sasakyan na ipinaparenta sa mga driver. Kuwento ng mga ito, may ilan sa kanila na umabot na sa sampu ang naisurender o naibalik na.

Posibleng magtutuloy pa ito aniya habang lumalala ang krisis sa mga produktong petrolyo, kung saan sa susunod na linggo ay naka-amba muli ang double-digit oil price increase.

Ang mga driver TNVS na nagpapatuloy sa pamamasada, ayon kay de Leon, ay kakaunti lamang ang kinikita dahil malaking porsyento ng kanilang mapagpasadahan ay mapupunta lamang sa gasolinahan.

Paliwanag pa ni De Leon, sa kabila kasi ng labis na pagtaas sa presyo ng petrolyo ay pareho pa rin ang binabayaran ng mga driver na ‘boundary’ o bayad sa mga operator kaya sila ang bumabalikat sa pagkalugi.

Ang ilan sa mga driver aniya ay minabuti na ring mag-apply sa mga operator na nag-aalok ng electric vehicle service, kahit ang ilan sa mga naturang operator ay naniningil ng mas mataas na boundary pay.