Itinakda ng Supreme Court en banc ang oral arguments sa mga petisyong kumukwestyon sa national budgets mula 2024 hanggang 2026.
Sa isang statement, sinabi ng Office of the Spokesperson ng Korte Suprema na naka-schedule ang oral arguments sa Abril 8 at Abril 22, na parehong isasagawa sa ganap na alas-10:00 ng umaga sa Session Hall ng Korte Suprema sa Baguio City.
Bago ito, isasagawa rin ang preliminary conference sa Pebrero 4 sa SC Session Hall sa Maynila.
Ayon sa Korte, hinihiling ng mga petitioner na binubuo ng mga mambabatas, taxpayers at concerned citizens na ipawalang bisa ang mga ginawang pagbabago sa Bicameral Conference Committee na nagpalobo ng pambansang pondo sa loob ng magkakasunod na tatlong taon.
Isa sa mga petisyon ay inihain nina dating Cong. Edcel Lagman, Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, Jr., Basilan Rep. Mujiv Hataman, dating senator Aquilino “Koko” Pimentel III, at congressman Pantaleon “Bebot” Alvarez na humihiling na ideklara bilang unconstitutional ang bicameral insertion na nagkakahalaga ng P449.5 billion sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Ang grupong Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement Inc. naman ay naghain ng petisyon na kumukwestyon sa amendments na ginawa sa Special Accounts sa General Fund at iba pang appropriations sa ilalim ng 2025 GAA.
Kabilang din sa consolidated petitions ang inihain nina Caloocan Second District Rep. Edgar Erice at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na kumukwestyon sa legalidad ng unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 national budget.















