-- Advertisements --

Planong kwestyunin ni House Senior Deputy Minority leader at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice sa Korte Suprema ang legalidad ng 2026 General Appropriations Act (GAA) dahil sa nilalaman nitong unprogrammed funds.

Ayon sa kongresista, binabalangkas na nila ang ihahaing petisyon sa Kataas-taasang hukuman at iginiit ang kaniyang posisyon na unconstitutional o labag sa batas ang lahat ng unprogrammed funds anumang porma nito.

Aniya, mahalagang matigil na ito at para matukoy na ng Korte Suprema ang mga parameter ng ganitong uri ng pagpopondo lalo na sa mga walang mapagkunan ng pondo o pinansiyal, na labag sa Konstitusyon.

Samantala, tinawag naman ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa kanilang joint statement bilang pampalubag-loob ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa P92.5 billion sa unprogrammed appropriations na layunin lamang aniyang ilihis ang bilyun-bilyong pork barrel funds na hindi pa rin tinatanggal mula sa nilagdaang pambansang pondo.

Ayon sa mga mababatas, hindi umano vineto ng Pangulo ang “allocables” o mas kilala sa tawag na discretionary funds o pork barrel allocations na inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga miyembro ng Kamara at Senado.

Anila, siniguro umano ng Pangulo ang pagpapatuloy pa rin ng sistematikong korapsiyon sa gobyerno sa pamamagitan ng pagtangging i-veto ang allocables, kayat wala umanong tunay na reporma o pagbabago kundi tanging pagpapanatili lamang ng korap na sistema.

Subalit, iginiit naman ng panig ng Malacañang na walang pork barrels sa 2026 budget.