-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Wala pang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang kaso ni dating President Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ipinaliwanag ni Atty. Kaiser Cordero, isang international lawyer na sa ilalim ng Article 61 ng Rome Statute, mayroong tatlong maaring mangyari sa pagtapos ng kanyang confirmation of charges hearing sa Biyernes, Pebrero 27, 2026.

Una, maaari umanong i-confirm ng Pre-Trial Chamber ang charges, at sakaling mangyari ay sisimulan na ang kaso sa Trial Chamber, kung saan, dito umano malalaman kung guilty beyond reasonable doubt si Duterte.

Pangalawa, pwedeng hindi i-confirm ang charges at mababasura ang kaso at makakauwi na ang dating Pangulo.

Subalit, may pangatlong option pa ang ICC na maaring mag-adjourn at bigyan ng pagkakataon ang prosecution na magbigay ng karagdagang ebidensiya.

Nangangahulugan na puwede silang bumalik at mag-take-two bitbit ang malakas na kaso.

Dahil dito, hindi pa maaring makalaya si Duterte hindi tulad ng ibang kaso na kapag kulang sa ebidensya, dismissed na agad, ngunit sa ICC, may pagkakataon pa ang prosecution na ayusin at palakasin ang kanilang kaso.

Ang tinitingnan umano sa isinasagawa sa Pre-Trial Chamber ngayon ay kung may “substantial grounds to believe” na may krimen at may participation ang akusado.

Hindi pa aniya ito final judgment na guilty o acquittal.