Naghain si Palawan 2nd District Representative Jose Chaves Alvarez, na siya ring Chairperson ng House Committee on Energy, ng House Resolution No. 1249 upang pormal na imbestigahan, in aid of legislation, ang System Loss Charges sa singil sa kuryente.
Layunin ng resolusyong ito na suriin kung patas, malinaw, at may sapat na proteksyon ang mga consumer laban sa naturang bayarin.
Sa naturang inquiry, aalamin kung paano kinukuwenta ang system loss, tiyakin ang transparency, at tingnan kung napapangalagaan ang kapakanan ng publiko.
Nilalayon ng komite na dinggin ang isyu bago tuluyang amyendahan o alisin ang system loss charges sa ilalim ng mga nakabinbing panukalang batas sa Kamara.
Upang marinig ang lahat ng panig at mabigyan ng linaw ang publiko, plano ng Kamara na ipatawag ang mga sumusunod na sektor at ahensya: Energy Regulatory Commission (ERC), ang ahensyang nagtatakda at nagre-regulate ng mga singilin sa enerhiya gayundin ang Transmission Provider at Distribution Utilities kabilang ang mga korporasyon at kooperatiba ng kuryente na nagpapadala ng suplay sa mga kabahayan.
Gayundin ang mga pangkat na kumakatawan sa karaniwang mamamayan upang maipahayag ang kanilang mga hinaing.
Ayon sa pahayag mula sa House of Representatives Press and Public Affairs Bureau, may dalawang pangunahing dahilan kung bakit napapanahon ang hakbang na ito.
Maraming consumer ang nalilito sa kung ano ba talaga ang system loss charge, at lalo pa itong pinalalala ng mga magkakasalungat na impormasyon sa social media.
Ang imbestigasyon ay kasunod din ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na pag-aralan ang tuluyang pagtanggal sa system loss charges upang mapababa ang buwanang bayarin sa kuryente ng mga Pilipino.











