-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng energy advocacy group na Power for People Coalition (P4P) ang pagtutol ng Manila Electric Company (Meralco) sa panukalang alisin ang system loss charges sa mga bayarin sa kuryente.

Ayon sa grupo, hindi dapat ipinapasa sa mga consumer ang gastos na bahagi ng operasyon ng isang power distributor. Giit nila, katulad ng ibang negosyo, dapat ang kumpanya ang sumasalo sa sariling operational costs nito at hindi ang mga consumer.

Binigyang-diin din ng P4P na dapat ang binabayaran lamang ng mga consumer ay ang kuryenteng aktwal nilang nagagamit, dahil ang kuryente ay isang pangunahing serbisyo at hindi isang luho.

Ginawa ng grupo ang pahayag kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na alisin na ang system loss charges sa mga electricity bill.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala ang Meralco sa naturang panukala. Ayon kay Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, maaaring umabot sa bilyong piso ang epekto nito sa buong industriya ng kuryente, kaya’t nananatiling usapin kung sino ang sasalo sa naturang gastusin.

Ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala habang ipinapadala mula sa mga planta patungo sa mga kabahayan at establisimyento dahil sa mga teknikal na dahilan, kabilang na ang pagkawala ng enerhiya sa transmission at distribution lines, pati na rin ang mga ilegal na pagnanakaw ng kuryente.