Pinayagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na maningil ng kabuuang P8.7 billion mula sa mga consumer nito matapos masuri ang over-recoveries at under-recoveries ng pass-through charges mula 2011 hanggang 2022.
Ayon sa ERC, maaaring kolektahin ng Meralco ang P8.71 billion sa loob ng 36 na buwan, matapos ibawas ang halagang naibalik na o nasingil sa mga customer nito sa nakalipas na mga taon.
Ang pass-through charges ay mga bayaring kinokolekta lamang ng Meralco para sa iba pang ahensya at kumpanya, gaya ng transmission charges, buwis, at iba pang singilin.
Nilinaw ng ERC na walang kinikita ang Meralco mula sa mga ito.
Ipinaliwanag din ng komisyon na nagsasagawa ng “true-up” ang distribution utility upang maitugma ang aktwal na gastos sa halagang nakolekta mula sa mga consumer.
Batay sa pagsusuri ng ERC, may ilang singilin na sobra ang nakolekta ng Meralco, kaya dapat itong isauli sa mga customer. Kabilang dito ang lifeline subsidy, senior citizen discount subsidy, at local franchise tax.
Gayunpaman, mas malaki ang under-recovery o kulang na nakolekta ng Meralco sa generation cost, transmission cost, system loss, at real property tax, na umabot sa mahigit P8.7 billion.
Kabilang dito ang P7.3 billion para sa generation cost, na katumbas ng P0.07 kada kilowatt-hour na sisingilin sa mga customer.
Nauna nang iniutos ng ERC ang P9.5-billion refund ng Meralco sa mga consumer. Ngunit dahil sa bagong kautusan, mababawasan ang aktwal na halaga ng refund na matatanggap ng mga customer.















