-- Advertisements --

Ipinagpaliban muli ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang paniningil ng P0.0371 kada kilowatt-hour na Green Energy Auction Allowance (GEA-All) charge para sa mga billing month mula Setyembre hanggang Disyembre 2026.

Nauna nang sinuspinde ang singil para sa Mayo at Hunyo, at pinalawig naman ito para sa Hulyo at Agosto.

Ang GEA-All ay regular na singil sa mga consumer na ginagamit para pondohan ang bayad sa mga renewable energy developer na kalahok sa Green Energy Auction Program ng pamahalaan.

Ayon sa ERC, nasa mahigit P556.9 million ang natitirang pondo ng GEA-All Fund nitong Agosto 5.

Sapat umano ang pondong ito para matugunan ang tinatayang buwanang bayarin sa mga kwalipikadong renewable energy developers kahit may tatlo pang bagong planta na inaasahang makapasok sa programa.

Layunin ng suspensyon na makatulong sa mga pamilyang nahaharap sa mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin.

Inatasan din ng ERC ang mga distribution utility, retail electricity supplier at National Grid Corporation of the Philippines na tiyaking walang GEA-All charge sa mga billing statement sa panahon ng suspensyon.

Samantala, nagbabala ang ERC na maaaring patawan ng show cause order at iba pang parusa ang mga collection agent na hindi susunod sa kautusan.