Hindi inaalis ang posibleng sabotahe sa transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines na nagdulot ng malawakang brownout noong Mayo 13.
Ayon kay Alvarez, ikinalungkot niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ng NGCP ang tunay na dahilan ng insidente na nagdulot ng brownout.
Ngunit matapos makita ang larawan ng apektadong linya, sinabi niyang mistulang “binaril” ito.
Sinuportahan naman ito ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na nagsabing hindi ito mukhang ordinaryong wear and tear.
Ipinaliwanag ni NGCP Public Relations Chief Cynthia Alabanza na dahil hindi pa malinaw ang sanhi, hindi pa nila inaalis ang posibilidad ng sabotage kaya isinangguni na nila ito sa Philippine National Police.
Samantala, sinabi ni PHILRECA Party-list Representative Presley de Jesus na posibleng may nagtatangkang isabotahe ang NGCP upang maapektuhan ang congressional franchise nito.
















