Itinanggi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nabigo itong magsumite ng mga ulat sa mga energy regulator kaugnay ng sunod-sunod na pag-trip ng Ilijan-Dasmariñas at Ilijan-Tayabas 500-kilovolt transmission lines na nagdulot ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids.
Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni NGCP President at CEO Anthony Almeda na agad silang nagpadala ng SMS at email advisories sa Department of Energy at Energy Regulatory Commission matapos ang malawakang brownouts noong Mayo 13.
Ayon kay Almeda, naibalik nila ang operasyon ng dalawang transmission lines sa loob ng walong hanggang 12 oras sa kabila ng masamang panahon at mahirap na lokasyon.
Patuloy pa rin umano ang imbestigasyon sa ugat ng problema at hindi pa inaalis ang posibilidad ng sabotage kaya humingi na rin sila ng tulong sa Philippine National Police.
Iginiit din ni Almeda na hindi lamang transmission outage ang sanhi ng mga grid alert noong Mayo 13 hanggang 15 dahil bago pa man ang insidente ay 31 power plants na ang naka-forced shutdown o derated operations habang naitala rin ang pinakamataas na power demand ngayong 2026.
Samantala, inamin naman ni NGCP Public Relations Chief Cynthia Alabanza na may pananagutan ang NGCP sa red alerts ngunit sinabi nitong naisumite nila sa oras ang kinakailangang initial report sa mga regulator.














