Inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na mag-refund ng kabuuang P9.5 bilyon sa mga consumer dahil sa sobrang nakolektang singil sa kuryente noong 2025.
Batay sa desisyon ng ERC na may petsang Hulyo 31, katumbas ito ng P0.3449 kada kilowatt-hour (kWh) na ibabawas sa bill ng mga customer sa loob ng anim na buwan.
Ipapakita ang refund bilang hiwalay na item sa monthly electricity bill at inaasahang magsisimula sa susunod na billing cycle.
Ayon kay ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan, ipatutupad ang refund sa oras na matanggap ng Meralco ang opisyal na desisyon ng komisyon.
Ipinaliwanag ng ERC na ang refund ay bunga ng pagwawasto sa mga singil noong tinatawag na lapsed period mula Enero hanggang Disyembre 2025.
Sa panahong ito, patuloy na naningil ang Meralco gamit ang dating aprubadong rate habang hinihintay ang pag-apruba ng bagong rate sa ilalim ng proseso ng rate reset.
Sinabi rin ng ERC na isinama sa kabuuang refund ang interes dahil sa sobrang halagang nakolekta ng Meralco sa naturang panahon.
















