Pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagpapatigil sa pagputol ng serbisyo ng kuryente para sa mga residential at non-residential consumers na hindi pa nakakabayad ng kanilang bill.
Sakop ng bagong direktiba ang mga bayarin mula Agosto hanggang Oktubre 2026, bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na national energy emergency.
Bukod dito, pinayagan din ng ERC ang mga kabahayang gumagamit ng 200 kilowatt-hours o mas mababa kada buwan na ipagpaliban ang pagbabayad ng kanilang bill at hulugan ito sa loob ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Nilinaw naman ng ahensya na kung may kakayahang magbayad nang buo, hinihikayat pa rin ang mga consumer na gawin ito.
Inatasan din ng ERC ang mga electric distribution utility at iba pang kumpanya sa sektor ng kuryente na ipatupad ang kaparehong flexible payment scheme upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga consumer.
May hanggang Oktubre 30, 2026 ang mga distribution utility para isumite sa ERC ang kanilang report bilang patunay na ipinatutupad nila ang naturang direktiba.
















