Inirekomenda ng Philippine Energy Research & Policy Institute (PERPI) na higpitan ang regulasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagtatakda ng singil sa system loss charges.
Ito ay kung ituloy man ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA Law, tulad ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang Ulat sa Bayan.
Ayon kay PERPI Executive Board Member Atty. Jay Layug, dapat ay limitahan ang saklaw ng mga sisingilin sa mga consumer at hindi ipinapasa sa kanila ang iba’t-ibang bayarin, hindi tulad ng nakasaad sa EPIRA.
Sa aspeto naman ng non-technical component, tiniyak din ng ahensiya ang kahandaan na tumulong sa pamahalaan upang masugpo ang pagnanakaw ng kuryente sa iba’t-ibang lugar, dahil sa mga illegal connection.
Ayon kay Atty. Layug, handa ang PERPI na tumulong para ma-amyendahan ang EPIRA Law at unti-unting mabago ang power service sa bansa.
Naniniwala ang opisyal na may kakayahan at potensiyal ang kasalukuyang administrasyon na amyendahan ang EPIRA Law at tulungan ang mga consumer na mapababa ang power bills.
Aniya, kapag tuluyan nang naipatupad nang mahigpit ang pagpapababa sa mga dagdag-singil sa kuryente, tiyak na makikinabang ang mga ordinaryong konsyumer at mababawasan ang mga kaso ng illegal tapping na isa sa mga pangunahing problema sa bansa.















