Nais ni Senate President Sherwin Gatchalian na gawing mas mabilis at mas madali ang paglipat ng mga kwalipikadong konsyumer sa kanilang gustong supplier ng kuryente, kasunod ng pagpapalawak ng retail competition sa sektor ng enerhiya.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t malaking hakbang ang pagpapababa ng contestability threshold sa 100 kilowatts (kW), kinakailangan ding gawing mas mabilis at mas madali ang proseso ng paglipat mula sa kasalukuyang distribution utility (DU), gaya ng Meralco, patungo sa Retail Electricity Supplier (RES).
Sa ilalim ng umiiral na patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC), ang mga konsyumer na kumokunsumo ng kuryente na umaabot o lumalampas sa 100 kW ay maaari nang pumili ng sarili nilang power supplier.
Dati kasi, 500 kW ang itinakdang minimum consumption requirement bago magkaroon ng naturang opsyon.
Ipinaliwanag pa ng senador na nangangahulugan ito na ang ilang kabahayan, maliliit na negosyo, paaralan, at iba pang kwalipikadong consumers ay hindi na kailangang umasa lamang sa kanilang distribution utility, dahil maaari na silang pumili ng supplier na nag-aalok ng mas mababang presyo o mas malinis na pinagkukunan ng kuryente.
Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian na sa kasalukuyan ay maaari pang umabot ng ilang linggo ang proseso ng paglipat ng supplier, samantalang sa ibang bansa ay natatapos lamang ito sa loob ng ilang araw.
“Kapag pinabilis ang proseso, mas madali nang maa-access ng mga konsyumer ang presyong mas competitive at mas malinis na mapagkukunan ng enerhiya,” ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, napapanahon ang naturang reporma lalo na sa gitna ng pagsusulong ng renewable energy sa bansa.
“Kapag ginawa nating mabilis at hassle-free ang paglilipat o switching ng power source, mas mae-engganyo ang mga tao na pumili ng mas malinis at mas murang kuryente,” saad pa ni Gatchalian.
Umaasa rin ang senador na sa pamamagitan ng mas episyenteng switching process ay mas marami pang konsyumer ang makikinabang sa mas abot-kayang singil sa kuryente.
















