Sinibak na sa puwesto si International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan matapos desisyonan ng karamihan sa mga miyembrong bansa ng korte pabor sa kanyang pagpapatalsik.
Batay sa ulat ng Reuters, 82 sa 125 miyembrong estado ng ICC ang sumuporta sa desisyon kasunod ng mga alegasyon ng sexual misconduct na may kaugnayan sa isang junior staff member ng korte.
Mariin namang itinanggi ni Khan ang mga paratang. Ayon sa kanyang mga abogado, walang sapat na ebidensya ang ibinibintang laban sa kanya at hindi rin umano naging patas ang naging proseso ng pagdinig sa kaso.
Kasunod ng kanyang pagkakatanggal, magsisimula ang proseso ng pagpili ng bagong ICC prosecutor. Gayunpaman, inaasahang sa susunod na taon pa magkakaroon ng kapalit si Khan.
Samantala, nananatiling umiiral ang lahat ng kasalukuyang arrest warrants na inilabas ng ICC, dahil tanging ang mga hukom ng korte lamang ang may kapangyarihang bawiin ang mga ito.
Kasabay nito, muling iginiit ng Estados Unidos ang pagtutol nito sa ICC.
Sa pagbisita sa Pilipinas ni U.S. Secretary of State Marco Rubio, sinabi nitong hindi kailanman haharap sa paglilitis sa ICC ang mga opisyal ng Estados Unidos.
Hindi rin kasapi ang U.S. sa ICC at matagal na nitong kinukuwestiyon ang kapangyarihan ng nasabing International Court.
















