Nakatakdang magtayo ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng mga pasilidad na pag-iipunan ng tubig-ulan sa ilang lugar sa Maynila bilang hakbang para mabawasan ang pagbaha.
Kasunod ito ng paglagda sa Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng MMDA at Manila City Government.
Kabilang sa unang pagtatayuan ng mga rainwater impounding facility ang Remedios Circle at Rajah Sulayman Park sa Maynila, gayundin ang ASEAN Garden sa CCP Complex sa Pasay City.
Ayon sa MMDA, pansamantalang iipunin sa mga pasilidad ang tubig-ulan sa halip na agad itong dumaloy sa mga kalsada at drainage system, bago unti-unting pakawalan patungo sa Manila Bay.
Inaasahang makatutulong ito upang mabawasan ang pagbaha sa bahagi ng Taft Avenue, Ermita, Malate at mga kalapit na lugar.
Tinatayang aabot sa apat na bilyong piso ang halaga ng proyekto, ayon kay MMDA Chairman Romando Artes.
Target ng MMDA na makumpleto ang tatlong proyekto sa Maynila pagsapit ng Hunyo 2027.
Tiniyak naman ng ahensya na makikipag-ugnayan ito sa mga kinauukulang tanggapan, lalo na sa mga proyektong isasagawa sa mga lugar na may kasaysayan at kahalagahang pangkultura.
Sinabi rin ni Artes na sisiguraduhing hindi magkakapatong ang mga proyekto ng MMDA sa mga isinasagawang flood control project ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Bukod sa tatlong unang proyekto, 39 pang lugar sa Metro Manila ang tinukoy ng MMDA para sa mga katulad na rainwater impounding facility.
















