Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na higpitan ang pagpapatupad ng pagmamay-ari ng baril matapos masugatan ang isang siyam na taong gulang na mag-aaral sa General Santos City nang aksidenteng pumutok ang isang .38 caliber revolver na pinaglalaruan nila ng kanyang kaibigan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang mga kamakailang insidente na may kinalaman sa pag-hawak ng mga kabataan sa mga baril ay masyado nang nakakaalarma.
Binigyang-diin ng Kalihim na nararapat lamang na higpitan na ang pagpapatupad ng responsableng gun ownership, kabilang ang mas mahigpit na background checks sa mga kumukuha ng lisensya ng baril, regular na inspeksyon sa tamang pag-tatago ng mga baril, at mas maighipit na kampanya laban sa mga gumagamit ng iligal na baril.
Bagama’t ang PNP ang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa pag-regulate ng mga baril at pag-iisyu ng permits, sinabi ni Angara na mahalaga rin ang papel ng mga magulang at gurdian para sa wastong pagtuturo ng tamang gun safety sa kanilang mga anak.
Aniya, dapat turuan ang mga bata na huwag hahawak ng baril, maunawaan ang panganib nito, at agad na magsumbong sa nakatatanda kapag may nakita silang baril.
Kasabay nito, muling iginiit ng DepEd ang mahigpit na pagpapatupad ng zero-tolerance policy laban sa pagdadala ng mga baril, bala, patalim, at iba pang pampasabog sa loob ng mga paaralan at sa lahat ng school activities, alinsunod sa Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment.
Inatasan din ang mga paaralan na higpitan ang security protocols, magsagawa ng inspeksyon, regular risk assessment, at agad na iulat sa PNP ang anumang ilegal na armas na madidiskubre sa mga estudyante.
















