Inumpisahan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapatupad ng mga hakbang para matugunan ang anumang magiging epekto ng super El Niño.
Pangunahin sa mga programa na ahensiya ay ang Project LAWA o Local Adaptation to Water Access, at ang BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished).
Ayon kay DSWD Spokesperson at Disaster Response Management Group Asst. Secretary Irene Dumlao nakapagtayo na ang naturang ahensiya ng kabuuang 5,311 LAWA site na may farm reservoir, irrigation facility at rehabilitated waterways.
Umabot na rin sa 8,671 BINHI sites ang naitayo sa buong bansa, gaya ng communal vegetable garden at mga root crop farm.
Ayon kay Dumlao, nakatutok ang mga mga programa ng DSWD sa water access at food security ng mga vulnerable sector tulad ng mga mahihirap na komunidad, para makapaghanda sila bago pa tumama ang sakuna.
Sa ilalim ng food security, binabantayan ng DSWD ang temperatura sa mga bodega o food warehouse nito, upang hindi masira ang mga family food pack sa gitna ng mataas na temperatura.
Naglalagay na rin ang ahensiya ng malalaking industrial ceiling fan upang mapanatili ang maayos na temperatura sa mga ito.
















