Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kailangang patatagin ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kanilang supply chains at palakasin ang kalakalan sa loob mismo ng rehiyon.
Ayon sa Pangulo, isa sa mahahalagang aral mula sa COVID-19 pandemic ay ang pangangailangang gawing mas matibay ang supply chains, lalo na sa pagitan ng mga kapwa bansang miyembro ng ASEAN.
Inihayag ni Pangulong Marcos na tinatayang nasa 23 porsyento lamang ng kabuuang kalakalan ng ASEAN ang nagmumula sa intra-trade o kalakalan sa loob ng rehiyon, habang 77 porsyento ay mula sa labas ng ASEAN.
Dahil dito, nagkaroon aniya ng kasunduan ang mga miyembrong bansa na unahing palakasin ang ugnayang pangkalakalan sa loob ng ASEAN region.
Sinabi ng Pangulo, kabilang sa mga hakbang na tinatalakay ay ang pagbuo ng common ASEAN power grid at ang pag-standardize ng mga proseso sa importasyon upang mas mapabilis ang transaksyon at mas mapalalim ang pag-unawa sa batas at sistema ng pagnenegosyo ng bawat bansa.
Layunin nitong maibalik ang ASEAN bilang isang malakas na puwersa sa pandaigdigang ekonomiya.
















