-- Advertisements --

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na may mga nakakausap na siyang mga personalidad na posibleng maging susunod na lider ng bansa. 

Sa ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum, natanong ang Pangulo kung ano ba ang mga katangian na dapat taglayin at iluklok ng taongbayan bilang  susunod na  pinuno ng bansa.

Ayon sa Pangulo, mayroon na siyang  nakakausap subalit hindi niya ito ii endorso sa ngayon, at meron na rin aniyang mga nakausap siya na tumanggi para rito. 

Sabi ng pangulo na hindi pa ito ang tamang panahon para pag-usapan ang nasabing isyu.

Giit pa ng Pangulo, dapat ding mas unahing isipin ng susunod na lider ay kung papano gawing mas maayos ang bansa at hindi ang pamumulitika.

Ang kailangan aniyang lider ay isang nationbuilder  na gustong gawing mas mabuti ang lagay ng bansa,  at mahal ang pilipinas. 

Dagdag pa ng Pangulo, mukha mang sentimental o emosyonal ang kaniyang mga binanggit na katangian, pero ito ang kailangan aniya ng mga Pilipino at kailangang alam din  ng susunod na lider  kung papano ito gagawin, kailangan aniyang marunong makinig sa mga tao na may sapat na kasanayan upang mabigyan siya ng tamang gabay sa pagpapatakbo ng bansa.