Ipatutupad na ngayong araw, Setyembre 26 ang P60 daily wage increase para sa mga minimum wage earners sa National Capital Region o NCR sa ilalim ng Wage Order No. NCR-28.
Tinatayang 1.1 milyong arawang manggagawa sa Metro Manila ang makikinabang sa dagdag-sahod.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga employer na sundin ang bagong wage rates sa oras na maging epektibo ang kautusan.
Malugod namang tinanggap ng Federation of Free Workers o FFW ang dagdag-sahod, ngunit iginiit ng grupo na hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin ng mga manggagawa.
Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-28, nakatakdang tumaas ang umiiral na minimum wage sa NCR, bilang bahagi ng wage adjustment na inaprubahan ng Regional Tripatite Wages and Productivity Board.
















