Magkakasa ng motorcade ang koalisyon ng pro-Duterte groups sa Villamor Air Base sa Marso 11 bilang pag-marka sa unang anibersaryo ng umano’y political banishment o pagpapatapon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Dakong alas-dos ng hapon sa Marso 11 isasagawa ang motorcade. Magtitipon ang mga kalahok sa White Plains Avenue bago magtungo sa EDSA at magtatapos sa Villamor Air Base.
Sa isang statement ngayong Biyernes, Pebrero 20, sinabi ng mga grupong Philippine Alliance for National Accountability (PANA) at KAMPILAN na ang Marso 11 ay marka ng isang taon mula nang dakpin ang dating Pangulo sa Villamor Air Base at pwersahang dinala patungong The Hague, na isa umanong “state kidnapping.”
Giit pa ng grupo na ang pagdala sa dating Pangulo sa The Hague ay isang “calculated move” para patahimikin ang makapangyarihang boses ng masa at i-bypass ang justice system ng Pilipinas.
Ayon pa sa koalisyon, ang anibersaryo ay parte ng mas malawak na kampaniya laban sa tinawag nitong talamak at sistematikong korapsiyon sa gobyerno, kasabay ng pagkondena sa “kultura ng kasakiman” na nagbigay daan sa pagkakakulimbat ng bilyun-bilyong kaban ng bayan.
Anila, ito ay isang “national reckoning” at tumatanggi silang mapatahimik habang sinasamantala ng mga institusyon ang kaban ng bayan. Nanawagan din ang coalition ng total war laban sa korapsiyon at pagpapanumbalik ng integridad ng serbisyo publiko.
Hinihimok naman ng organizers ang supporters ng dating Pangulo na sumama sa tinawag nilang mapayapang pagtitipon. Ito rin ay bilang pagpapakita ng suporta sa planong pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo sa 2028 elections, na inilarawan nila bilang “People’s Choice for Reform.”
Kabilang sa signatories sa pinaplanong assembly ay dating mga opisyal, mga abogado at mga organisasyong kilalang kaalyado o sumusuporta sa dating Pangulo.
















