Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsusulong ng PH at regional agenda sa pagdalo sa 47th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia mula Oktubre 26 hanggang 28, 2025.
Sa kaniyang talumpati sa Villamor Air Base sa Pasay, bago ito bumyahe, siniguro ng chief executive ang malawak na pagtataguyod ng mga isyung kapaki-pakinabang para sa mga Filipino.
Inimbitahan siya ni Malaysian Prime Minister Datu Seri Anwar Ibrahim, ang kasalukuyang ASEAN Chair, upang makiisa sa mga lider ng ASEAN, mga Dialogue Partners, at kinatawan ng mga pandaigdigang organisasyon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, inaasahang dadalo si Pangulong Marcos sa 14 na pagpupulong ng mga lider at tatlong seremonya ng paglalagda, kabilang ang pagtanggap sa Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng ASEAN.
Tatalakayin din niya ang mga isyung gaya ng sitwasyon sa Myanmar, mga hamong pang-ekonomiya, at iba pang usaping panrehiyon.
Magkakaroon din siya ng bilateral meetings upang palalimin ang ugnayang diplomatiko at tuklasin ang bagong larangan ng kooperasyon.
Sa pagtatapos ng summit, pormal na ililipat ng Malaysia sa Pilipinas ang ASEAN chairship para sa susunod na taon.
















