Sinimulan na ng International Criminal Court (ICC) ang confirmation of charges hearing upang tukuyin kung haharap sa full-blown trial si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kontrobersyal na ‘war on drugs.’
Ayon sa mga prosecutor, si Duterte ay responsable umano sa maraming pagpatay na iniuugnay sa kanyang anti-drug campaign noong siya ay pangulo ng Pilipinas, at maging noong siya ay alkalde ng Davao City.
Inilahad ng ICC prosecutors ang tatlong pangunahing paratang laban kay Duterte na iniuugnay sa crimes against humanity:
Count 1: Pagpatay sa loob o paligid ng Davao City noong panahong siya’y alkalde, na umano’y isinagawa ng tinaguriang Davao Death Squad.
Count 2: Pagpatay sa mga tinaguriang “high-value targets” habang siya ay pangulo ng Pilipinas.
Count 3: Pagpatay at pagtatangkang pagpatay sa mga operasyon ng barangay clearance na kaugnay ng national anti-drug campaign.
HINDI PA ITO ANG MISMONG TRIAL
Una nang nilinaw ng ICC na ang kasalukuyang pagdinig ay confirmation of charges hearing pa lamang dito ay hihimayin ng mga hukom kung mayroon bang ”substantial grounds” o sapat na basehan ang prosecution para ituloy ang kaso sa isang trial.
Maalalang itinatanggi ng kampo ni Duterte ang mga paratang. Kung saan iginiit ng kanyang mga abogado na wala umanong hurisdiksyon ang ICC sa kaso.
Bagama’t umatras ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019, sinabi ng korte na may kapangyarihan pa rin itong imbestigahan ang mga krimeng naganap noong miyembro pa ang bansa ng tribunal.
Naaresto si Duterte noong 2025 at kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague. Ayon sa mga hukom, siya ay nasa maayos na kalagayan at kayang lumahok sa mga legal na proseso.
Sa mga susunod na araw, inaasahang ilalahad ng prosekusyon ang kanilang mga ebidensya na sasagutin naman ng kampo ni Duterte.
















