-- Advertisements --

Nakatakdang gumawa ng kasaysayan ang gaganaping Salaknib military exercises ngayong Abril sa kumpirmadong paglahok ng pwersa ng Japan kasama ang mga sundalong Pilipino at Amerikano.

Ito ang inihayag ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Antonio Nafarrete, kung saan binigyang-diin na ito ang kauna-unahang pagkakataon na sasali ang Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) sa naturang taunang pagsasanay.

Tinatayang aabot sa 5,000 tropa ang magsasama-sama para sa first iteration ng ehersisyo. Mula sa nasabing bilang, nasa 300 sundalo ang magmumula sa Japan Ground Self-Defense Force.

Ang trilateral cooperation na ito ay itinuturing na direktang bunga ng nilagdaang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan noong Setyembre ng nakalipas na taon, na nagpapahintulot sa mas malawak na defense cooperation ng dalawang bansa.

Ayon kay Nafarrete, nakatutok ang pagsasanay sa pagpapalakas ng joint combined arms operation, humanitarian assistance and disaster relief (HADR), at iba pang mga programa para sa capacity building.

Inaasahang gaganapin ang malaking bahagi ng pagsasanay sa Hilagang Luzon, partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Nilinaw din ng pamunuan ng Hukbong Katihan na hahatiin sa dalawang bahagi ang aktibidad.

Isasagawa ang unang yugto sa Abril, na susundan naman ng taunang Balikatan exercises sa Abril o Mayo. Ang ikalawang yugto o 2nd iteration ng Salaknib ay nakatakda naman sa buwan ng Hunyo.