-- Advertisements --

Tinawag na isang malaking distraction o panlilihis lamang ng atensyon ng Kabataan Party-list ang naging tiyempo ng anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ito sa pagka-pangulo sa 2028.

Ayon kay Kabataan Rep. Renee Co, sadyang inilabas ang deklarasyon upang matabunan ang mga seryosong alegasyon at ang mga bagong impeachment complaints na kinakaharap ng Bise Presidente.

Giit ng mambabatas, hindi politika ang dapat pag-usapan kundi ang pananagutan sa pondo ng bayan.

Naniniwala ang mambabatas na hindi ito ang dapat na naging tugon ng bise sa katanungan kung nasaan ang umano’y kinurakot na pera ng taumbayan.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakabinbin ang tatlong reklamo laban kay Duterte at hindi pa naisasalang sa Order of Business ng Kamara upang pormal na maipadala sa House Justice Committee.