Itinuturing ng Department of Transportation na susi sa pagluwag ng trapiko at pag-angat ng ekonomiya ng rehiyon ang mga pangunahing transportation project sa Cebu.
Sa “Usapang Budget Natin” forum kahapon,Pebrero 20, inihayag ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na bahagi ito ng direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang mahahalagang transport projects sa buong bansa, hindi lamang sa Metro Manila.
Kabilang sa prayoridad ang Metro Cebu Urban Mass Rapid Transit, isang 67.5-kilometrong riles na mag-uugnay sa Danao City at Carcar City, na may dagdag na 25-kilometrong linya patungong Mactan-Cebu International Airport.
Ayon kay Lopez target na simulan ang feasibility study nito sa Oktubre 2026 bago ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Ibinunyag din nito na nakatakdang simulan sa Marso ng kasalukuyang taon ang initial operations ng Package 1 ng Cebu Bus Rapid Transit, na magseserbisyo mula Cebu South Bus Terminal hanggang Fuente Osmeña Circle.
Aniya, tinatapos na ng ahensya ang huling tatlong porsiyento ng proyekto, kabilang ang punch-list items, at magsasagawa ng dry run bago ang full commercial operations.
Inaasahang makikinabang dito ang hanggang 34,000 pasahero kada araw.
Nabatid na naantala ang buong operasyon ng Bus Rapid Transit mula sa orihinal na target nitong ikalawang quarter ng 2025 dahil sa procurement changes at iba pang administrative adjustments.
Samantala, binigyang-diin din nito ang ilang mahahalagang inisyatibo sa transportasyon sa mga probinsya ng Cebu at Bohol kabilang ang Love Bus free ride program, pagpapaunlad ng New Cebu International Container Port at San Fernando Port, at patuloy na Public-Private Partnership projects sa Mactan-Cebu International Airport at Bohol-Panglao International Airport.
Binigyang-diin ni Lopez na mahalagang mapalakas ang koneksyon ng mga probinsya at rehiyon bilang bahagi ng pambansang kaunlaran.
















