-- Advertisements --

Itinanggi ng Philippine Air Force (PAF) ang mga ulat na may naka-standby na eroplano sa Villamor Air Base para dalhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa patungong The Hague.

Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, normal ang operasyon sa air base at walang natatanggap na opisyal na direktiba ang militar kaugnay sa naturang usapin.

Sa kasalukuyan, nananatili sa “white alert” status ang PAF, na nangangahulugang normal ang kanilang air at security operations.

Nilinaw rin ni Col. Castillo na walang koordinasyong nagaganap sa hanay ng PAF o AFP para sa posibleng pagdadala sa senador sa International Criminal Court (ICC).

Ang paglilinaw ay tugon sa pahayag ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, na may inihahanda umanong aircraft at composite team mula sa PNP para arestuhin ang senador.

Samantala, pinabulaanan din ni AFP Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad ang mga kumakalat na larawan ng isang Gulfstream aircraft online.

Aniya, “inaccurate” ang impormasyon at ang mga larawan ay mula sa mga nakalipas na insidente.

Hinimok din niya ang publiko na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong balita.