Pormal nang inirefer ng House of Representataives sa Committee on Justice ang apat na verified impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ang referral matapos maisama sa Order of Business sa sesyon na pinangunahan ni Deputy Speaker Ferjenel Biron.
Dahil dito, umiral na rin ang one-year bar rule o pagbabawal na magsampa ng kaparehong reklamo sa loob ng isang taon.
Ang unang tatlong reklamo ay inihain ng mga miyembro ng Makabayan bloc, party-list representatives, at iba’t ibang grupo ng civil society, kabilang ang mga lider-simbahan at abogado.
Habang ang ikaapat na reklamo ay inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera at ini-endorso ng ilang mambabatas.
Nakatuon ito sa alegasyong hindi umano ganap na idineklara ni VP Sara ang ilang ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at posibleng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, maaaring ma-impeach ang isang pangulo o pangalawang pangulo dahil sa culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, iba pang mabibigat na krimen, o betrayal of public trust.
Susunod na pagdedesisyunan ng Justice committee kung sapat ang mga alegasyon upang umusad ang impeachment complaint.










