Ibinunyag ni Caloocan City Rep. Egay Erice na nakita na rin niya ang nilalaman ng kopya ng mga kontrobersyal na files na umano’y nagmula kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Catalina Cabral.
Sa isang panayam, sinabi ng mambabatas na ibinahagi sa kaniya ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang kopya ng files na orihinal niyang nakuha kay Cabral.
Nasuri na rin umano niya ang mga nilalaman ng mga ito, ngunit hindi pa lahat ay nababasa.
Kabilang aniya sa mga nakita niya rito ay ang listahan ng mga encoder, mga contractor, atbpang personalidad na umano’y responsable sa malawakang korapsyon na nangyayari sa mga flood control project sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Maalalang pinangunahan ni House Senior Deputy Minority Leader and Caloocan Rep. Edgar Erice ang paghahain ng resolusyon sa Kamara upang imbestigahan ang pagkamatay ni Cabral.
Ayon sa mambabatas, kung magsisimula na ang imbestigasyon, in aid of legislation, plano niyang ipatawag ang mga pangalang bahagi ng naturang listahan, kasama na ang mga nagsilbing encoder sa kontrobersyal na files.
Kampante si Rep. Erice na may paraan pa para ma-beripika kung ang listahan ng mga pangalan na nasa files na hawak ni Leviste ay kapareho lamang ng orihinal na nilalaman ng files na nasa pag-iingat ni Cabral, sa kabila ng tuluyan nang pagpanaw ng dating undersecretary.
















