Manila, Philippines — Target ngayon sa senado na mapabilis ang pagpasa ng Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippines Sea (WPS) Education Act” na naglalayong gawing bahagi ng kurikulum sa basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa mga teritoryong pandagat ng bansa.
Nanawagan si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahang mambabatas na pabilisin ang pagpasa sa panukala. Aniya, tila marami pa ring mga Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng bansa kung kaya’t kailangang mabigyan na ito ng aksyon upang matiyak na ang mga Pilipino ay may tamang impormasyon sa sitwasyon ng WPS.
Sa ilalim ng panukala, isasama sa mga syllabi ng basic at higher education ang mga materyales sa pag-aaral ng angkop sa edad ng mga mag-aaral kung saan kabilang sa mga materyales na ito ang mga internationally recognized facts, mga desisyon ng Korte Suprema at kaunagay na batas tungkol sa WPS.
Sa pamamagitan naman ng kolaborasyon ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno, ay bubuohin ang materyales at pagsasanay at kapag ganap na naging batas na ay magiging mandato ng DepEd na magsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga guro na nakatalagang magturo ng WPS Education.
Samantala, hinihikiyat din ng panukalang batas ang mga State Universities and Colleges (SUCs) na dagdagan ang mga pananaliksik at pag-aaral tungkol sa maritime security and governant, mga coastal communities at iba pang mga mahahalagang kaalaman na may kaugnayan sa WPS.
















