-- Advertisements --

Nanindigan si Caloocan City Representative Egay Erice na ‘basura’ ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang-diin ng mambabatas na napakahina ang nilalaman o ang substance ng unang reklamo at halos walang maipakitang mabigat na ebidensiya maliban lamang sa mga news script na naglalaman ng ilang impormasyon na sumusuporta sa mga inilatag na grounds.

Una nang nanindigan ang abogadong si Atty. Andre de Jesus na pinag-aralan niyang mabuti ang laman ng kaniyang reklamo, kasama ang paglikom ng maraming ebidensiya na susuporta sa grounds for impeachment laban kay Pangulong Marcos.

Pero ayon kay Rep. Erice, mistulang walang patutunguhan ang naturang reklamo kung ibabatay sa mga nabanggit na grounds, at posibleng hindi rin makukumbinsi ang mga mambabatas para suportahan ito.

Dagdag pa ng mambabatas, mistulang minamadali na rin ng Kamara ang pagproseso sa naturang reklamo matapos itong i-transmit kaagad ng House Secretary General sa Office of the House Speaker, dalawang araw lamang matapos itong maihain.

Paliwanag ng mambabatas, mayroon pa sanang sampung araw ang Secretary General para pag-aralan ang complaint o hintayin ang iba pang susunod na reklamo.

Dahil sa agad na pagpasa nito sa Office of the House Speaker at kinalaunan ay pag-endorso sa Justice Committe ng Kamara, maituturing na aniya ito bilang ‘initiated’ at mapipigilan na ang iba pang impeachment complaint na maihain laban sa Pangulo, gaano man kabigat ang mga nakapaloob na ebidensiya.

Kung nagkataon aniya, mistulang naihain lamang ang complaint upang mabigyan ng 1-year immunity ang Pangulo.