-- Advertisements --

Naghahanda na ang Senado sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ ukol sa flood control scandal, sa araw ng Lunes, Enero 19.

Isasagawa ang pagdinig habang naka-break ang Kongreso, salig sa motu proprio authority ng Senate Blue Ribbon Committee na pangunahing nagsasagawa ng hearing sa nabunyag na malawakang korapsyon. Magsisimula ang pagdinig, ganap na ala-una ng hapon.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hiniling na nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang opisyal at mahahalagang dokumento sa pamamagitan ng subpoena duces tecum, na inaasahang makakatulong sa mas malalim na imbestigasyon.

Ito ay bahagi ng pagnanais ng komite na mapagsama-sama ang lahat ng files na may kinalaman sa flood control scandal, kabilang na ang kontrobersyal na Cabral files.

Kinumpirma rin ng committee chair na si Sen. Panfilo Lacson na may sariling kopya ang kaniyang komite ng naturang files. Ang naturang kopya ay dati nang hawak ng komite bago pa man ang pinal na desisyong muling buksan ang pagsisiyasat.

Una nang kinumpirma ni Sotto na pinirmahan niya ang 12 subpoena para sa mga malalaking personalidad na kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Dating DPWH Secretary Manuel Bonoan
  • Dating Rep. Zaldy Co
  • Dating DepEd Usec Trygve Olaivar
  • Dating COA Commissioner Mario Lipana
  • Dating DPWH Director Gerald Opulencia
  • Dating DPWH Director Gerald Pacanan
  • Maynard Ngu
  • Orly Guteza
  • John Paul Estrada
  • Mark Teksay
  • Arjay Domasig
  • Carleen Yap-Villa.

Maliban kina Co at Bonoan na parehong kumpirmadong nasa ibang bansa, wala pang kumpirmasyon kung makakadalo ang sampung iba pa na parehong pinadalhan ng subpoena.