Isinailalim na sa BLUE alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center upang masiguro ang kahandaan ng gobyerno sa paghagupit ng Bagyong Basyang.
Kaakibat ng naturang alerto, nagpalabas na ng abiso ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga local government units (LGUs) at sa mga residenteng naninirahan sa mga flood and landslide prone area na maging alerto at maghanda sa posibleng paglikas.
Ayon kay OCD Spokesperson Junie Castillo, tinitiyak ng ahensya na naka-standby na ang buong response cluster ng pamahalaan para sa agaran at organisadong pagresponde sa oras ng emergency.
Sa ngayon, puspusan ang pakikipag-ugnayan ng OCD sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Nagsagawa na rin ng kani-kanilang Pre-Disaster Risk Assessment ang mga regional council upang mailatag ang mga kaukulang paghahanda bago pa man maramdaman ang buong epekto ng sama ng panahon.
















