Ibinunyag ni Batangas Rep. Leandro Leviste na pinakiusapan siya ng mga kaalyado ng administrasyon na magtungo sa ibang bansa.
Ayon sa kaniya, hinihiling din na huwag muna siyang maglabas ng mga dokumento kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lumitaw ang pahayag matapos siyang tanungin hinggil sa ulat na maglalakbay siya sa 20 bansa.
Hindi niya diretsong kinumpirma ang bilang ng bansang bibisitahin ngunit inamin niyang humingi siya ng travel authority.
Ang dahilan umano ay kahilingan ng mga kinatawan ng administrasyon.
Nauna nang binatikos si Leviste dahil sa pagbubunyag ng mga dokumento na naglalaman ng alokasyon para sa mga proyektong hindi karaniwang saklaw ng DPWH.
Ang isyu ay nagdudulot ng mas malalim na tanong sa transparency at accountability ng pamahalaan.
Sa kabila nito, iginiit ni Leviste na patuloy siyang magsusulong ng katotohanan sa kabila ng mga pagsubok.
Pero puna ng ilang kapwa nito mambabatas, dapat ay maglakip ng malinaw na ebidensya ang Batangas solon at hindi ang kagaya ng Cabral files na hindi makapagbibigay ng konkretong batayan para mapanagot ang sinumang opisyal.
















