Maaaring mapilitang mangutang ang Pilipinas ng humigit-kumulang P260 billion dahil sa pagkaantala ng mga foreign-assisted infrastructure projects na mayroon nang loan funding, ayon kay Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice
Sa isang pahayag noong Enero 10, sinabi ni Erice na ilan sa mga pangunahing proyektong naapektuhan ay ang Metro Manila Subway at ang Philippine National Railways (PNR) elevated railway, na inilagay sa ilalim ng unprogrammed appropriations sa 2025 national budget.
Ang ganitong uri aniya ng pondo ay maaari lamang gamitin kung may sobrang kita ang gobyerno.
Ayon pa sa mambabatas, ang Metro Manila Subway ay orihinal na target na makumpleto sa 2028. Gayunman, dahil sa paglipat nito sa unprogrammed funds at sa mga problema sa right-of-way acquisition, inaasahang maaantala ang pagtatapos nito hanggang 2030.
ISYU NG UNPROGRAMMED FUNDS
Magugunitang sa panukalang 2026 national budget, inilagay sa unprogrammed appropriations ang P97.3 billion para sa foreign-assisted projects. Kinuwestiyon ito ni Erice at iginiit na ang mga proyektong may umiiral nang loan agreements at kontrata sa ibang bansa ay dapat mapabilang sa programmed appropriations.
Bagama’t may ilang foreign-assisted projects na nanatili sa programmed funds, sinabi ng Kongresista na marami pa rin ang nakaranas ng malaking bawas sa pondo sa ikalawang sunod na taon.
Maaalalang sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), P17.7 billion lamang ang inilaan para sa foreign-assisted projects—malayo sa inaasahang P70 billion na panukala ng Kamara.
Dahil dito nagsampa sina Erice at Mamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima ng petisyon sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng unprogrammed appropriations. Humihiling sila ng temporary restraining order upang pigilan ang paggamit ng P150 billion na unprogrammed funds sa 2026 budget.
Samantala, ipinagtanggol ng Malacañang at ng Department of Budget and Management (DBM) ang legalidad ng unprogrammed appropriations, na umiiral na mula pa noong 1989. Gayunman, kapansin-pansin ang malaking pagtaas ng halaga nito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, na umani ng batikos mula sa publiko.















