Pinaboran ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pag-veto ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mahigit ₱92.5 bilyong unprogrammed appropriations sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa Pangulo, ibinaba ang unprogrammed funds sa ilalim ng 2026 GAA sa pinakamababang antas mula pa noong 2019 upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang malinaw at tama para sa pambansang interes. Kaugnay nito, iginiit ni Lacson na dalawa lamang ang nakikita niyang dapat manatili sa listahan ng unprogrammed appropriations na ipinasa ng Kongreso: ang lokal na suporta ng pamahalaan para sa mga Foreign Assisted Projects (FAP) at ang Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program na mahalaga para sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapalakas ng seguridad ng bansa.
Binigyang-linaw din ng senador na umabot sa mahigit ₱150.9 bilyon ang nakalusot sa veto, kabilang ang ₱97.3 bilyon para sa FAP, ₱3.6 bilyon para sa Program Risk Management, at ₱50 bilyon para sa modernisasyon ng AFP. Ipinaliwanag ni Lacson na ang unprogrammed appropriations ay hindi aktwal na cash at maaari lamang magamit alinsunod sa mga espesyal na probisyon, partikular kung may sobrang koleksyon sa kita ng pamahalaan na hindi galing sa buwis, may kasabay na panukalang pagkukunan ng pondo, at aprubadong loan. Dagdag pa rito, tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang mag-apruba sa paggamit ng unprogrammed appropriations upang dagdagan ang pondo sa programmed appropriations o national budget.
Binigyang-diin din ng senador na ang paghihigpit sa unprogrammed appropriations ay nag-ugat sa mga naging kontrobersiya noong 2024 GAA, matapos magdagdag ang bicameral conference committee ng dalawang probisyong itinuturing na kuwestiyonable. Kabilang dito ang pahintulot sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) na nagbigay-daan sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa National Treasury, at ang maluwag na probisyon sa FAP kung saan maaaring magamit ang mga pondo sa mga hindi karapat-dapat na proyekto.
Sa huli, sinabi ni Lacson na siya ay natuwa sa naging kinalabasan ng pag-veto ng Pangulo sa ilang unprogrammed appropriations, bilang paraan upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan.















