Nilinaw ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Lunes na ang kanyang pahayag tungkol sa pangangailangang dumaan sa Philippine courts ang International Criminal Court (ICC) arrest warrants ay hindi para protektahan sina Senador Ronald dela Rosa at Senador Bong Go, kundi upang igalang ang legal na proseso ng bansa.
Kamakailan ay pinangalanan sina de la Rosa at Go ng ICC bilang umano’y “co-perpetrators” sa kasong Duterte, ayon sa “Document Containing Charges” na inilabas noong Pebrero 13, 2026.
Ayon kay Lacson, ang pinoprotektahan nito ay ang proseso ng batas ng bansa ayon sa Artikulo 3 Section 2 ng 1987 Constitution, hindi ang mga senador. Dagdag pa niya, sa huli, ang Supreme Court of the Philippines ang magpapaliwanag ng tamang legal na hakbang.
Aniya, anumang arrest warrant mula sa ICC ay dapat dumaan muna sa lokal na korte, na mag-iisyu ng kaukulang kautusan para ipatupad ang foreign arrest warrant, at bibigyan ang mga senador ng pagkakataong gamitin ang lahat ng legal na remedyo. (report by Bombo Jai)
















