-- Advertisements --

Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na kailangang balikan at masusing suriin ang mga patakaran sa senado upang matugunan ang patuloy na pagliban ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga sesyon.

Ayon kay Lacson, maaring mapag-usapan nang masinsinan ang usapin sa nakatakdang all‑senators’ caucus sa Lunes.

Ipinaliwanag ng senador na may umiiral na patakaran ang senado hinggil sa tuloy-tuloy na pagliban sa mga pagdinig ng komite, kung saan maaring mawala ang committee membership ng isang senador. Gayunman, wala umong katulad na probisyon para sa pagliban sa plenaryo.

Matatandaan na hindi na pumasok si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon kung saan nagtago umano ito matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng pagkakasangkot nito sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Kaugnay nito, nauna nang tinukoy ng ICC sina Dela Rosa at Senator Bong Go bilang “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sinabi naman ni Lacson, na napag-usapan na ng mga senador ang ilang posibleng hakbang ngunit wala pang napapagkasunduang konkretong aksyon.