-- Advertisements --

Iprinisenta ng International Criminal Court (ICC) Prosecutor ang karagdagang mga ebidensiya sa ikalawang araw ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi dumalo sa pagdinig.

Dito, inilahad ni ICC prosecutor at trial lawyer Edward Jeremy ang tinatawag na “double barrel” o ang anti-illegal drug campaign plan project ng Philippine National Police, na isinagawa sa dalawang paraan: ang Project Tokhang at Project high value targets (HVT), na target ang illegal drugs personalities at drug syndicates.

Binanggit din ng Prosecutor ang pagpaslang kina dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Ozamiz City Mayor Reynaldo Parajinog, at drug war victims na sina Benjamin Vista at 17-anyos na si Kian Delos Santos.

Ayon sa Prosecutor, pinaslang si Espinosa noong Nobyembre 5, 2016 (charged incident 13), at si Parajinog kasama ang iba pa noong Hulyo 30, 2017 (charged incident 14).

Ipinakita ng Prosecutor ang “PRRD list” kabilang ang inakusahang drug lords na sina Espinosa at Raul Yap bilang high value targets at may markang red X na ibig sabihin ay neutralized na o napatay noong November 5, 2016, kapareho ng listahang hawak ng dating Pangulo sa kaniyang speech noong Pebrero 2, 2017.

Sa harap ng ICC Pre-Trial Chamber I, ipinalabas rin ang mga video clip ng talumpati ng dating Pangulo, kabilang ang pagbabanta ng niyang papatayin ang mga alkaldeng kasama sa listahan ng mga sangkot sa illegal drugs at ang pagbibiro niya sa extra-judicial killings.

Ayon pa sa Prosecutor, base sa salaysay ng testigo, ang mga mahihirap ang kadalasang target dahil sila ang hindi maghahabla ng reklamo laban sa kapulisan.

Matatandaan, nauna nang binasa ng ICC ang mga sakdal laban kay dating Pangulong Duterte noong Lunes at magpapatuloy ang pagdinig bukas, Pebrero 26 at 27.