-- Advertisements --

Kapansin-pansin umanong pinaghandaan ng defense team ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang mga iprinisentang argumento laban sa prosecution

Ito ay kasunod ng pagpresenta ng lead legal counsel na si Nicholas Kaufman sa kanilang kasagutan sa naging presentasyon ng prosecution sa unang dalawang araw ng confirmation of charges hearing ng dating pangulo.

Ayon kay University of the Philippines College of Law senior lecturer Atty. Lee Edson Yarcia, halatang pinaghandaan ng defense panel ang kanilang presentasyon, dahil nagawa nitong maglahad ng mga argumento na kailangang sagutin ng prosecution panel.

Kabilang dito ang pagtukoy ni Kaufman sa umano’y paggamit ng prosecution ng ilang mga circular, directives, at memo na inilabas ng Philippine National Police noong panahon ng drug war na ‘selective’ o hindi nakapaloob ang buong nilalaman at kahulugan.

Inihalimbawa rin ni Yarcia ang mga iprinisenta ni Kaufman na direktiba ng dating pangulo sa mga pulis na gumamit lamang ng ‘puwersa’ kung nalagay sa alanganin ang kanilang buhay, taliwas sa claim ng prosecution.

Gayunpaman, binalikan din ni Yarcia ang naging presentasyon ng prosecution kung saan nagawa umano ng panel na magpakita ng sapat na katibayan na nagsasabing si Duterte ang nagbigay ng order para sa malawakang patayan.

Kabilang dito ang video ng kaniyang mga talumpati kung saan inaako ng dating pangulo na siya ang nagbigay ng order, nag-utos sa operasyon, at maging ang pagbibigay niya ng ultimatum sa ilang ‘illegal drugs personalities’ na kinalaunan ay nasawi sa mga police operation.