-- Advertisements --

Sinuportahan ni Sen. Erwin Tulfo ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-veto sa mahigit P92 billion na halaga ng items sa ilalim ng unprogrammed appropriations ng 2026 National Budget.

Kung babalikan ay nilagdaan ni Pang. Marcos ang pambansang pondo noong Lunes, Enero-5 ngunit tumangging isama sa pondo ang mas nakararaming UA items at tanging tatlong item lamang dito ang kaniyang pinayagan.

Paliwanag ni Tulfo, tama lang ang ginawa ng pangulo. Inihalimbawa pa ng senador ang UA sa plano ng isang pamilya na magbakasyon gayongkulang ang pondo nito.

Aniya, nakadepende lamang sa ipon o utang ang pondo sa mga unprogrammed apros, at madalas ding kinukulang ang pondo ng bansa para sa ilang proyekto – nagpapakita aniya na hindi na kailangan pang maglagay ng mga programa sa UA.

Hindi rin aniya maiiwasan ng publiko na isiping panibagong pork barrel ang mga naturang item, dahil sa walang actual na nakalaang pondo, habang mas mahirap na ring mabantayan ang paggasta rito, kung paglalaanan man sa hinaharap.

Iginiit din ng senador na mas mainam kung tuluyan nang alisin ang proinsyon ukol sa UA sa mga susunod na taon dahil wala naman aniyang aktuwal na pondo para sa mga ito.

Nagpahayag din ng pagsuporta ang senador sa plano ng ilang grupo na kuwestiyunin ang legalidad ng mga naipasang unprogrammed item sa pambansang badyet.